DepEd, handa na sa pagbubukas ng klase sa Lunes (Sept. 13)

by Erika Endraca | September 10, 2021 (Friday) | 2949

Metro Manila – Magbabalik eskwela na ang mga estudyante sa mga pampublikong paaralan sa Lunes, September 13.

Ayon kay DepEd Usec Nepomuceno Malaluan, nakahanda na sila sa pagsisimula ng school year 2021-2022.

Tuloy-tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga regional at schools divisions para sa nalalapit na oplan balik eskwela.

“We are ready for September 13, we have an opening day program ang ating tagubilin sa lahat ay maisaayos at maisuguro yung readiness sa mga learning resources ng mga bata all of our regions are very busy on field units for readiness for safe opening unlike last year na defer yung school opening this year we are ready for the opening on Monday”ani DepEd Usec Nepomuceno Malaluan.

Maglalagay muli ang DepEd ng public assistance center sa central, regional at schools division level para agad mabigyan ng gabay ang mga magulang at estudyante na nagkaka-problema sa enrollment.

“Naka-set up itong ating public assistance center na ito dito sa oplan balik eskwela the whole week this weekend also up to next week para itong ganitong mga issue, lalo na halimbawa, yung mga transfer, usually hindi natin alam kung ano ang situation…lalo ngayon na limited ang physical mobility, yung pagpapadala ng credentials and so on. Ibig sabihin baka mas mahirapan. So those are the things that we anticipate.” ani ani DepEd Usec Nepomuceno Malaluan.

Samantala, pinagiisipan pa ng DepEd kung palalawigin ang enrollment ng mga estudyante.

As of September 9, 2021, nasa 21 million na ang nagpa-enroll.

Katumbas ito ng mahigit sa 80% ng mga enrollees noong nakaraang school year.

Inaasahang madadagdagan pa ito sa mga susunod na araw, dahil pwede pang magpa-enroll hanggang sa mismong araw ng pasukan.

Muli namang nagpaalala ang DepEd sa mga magulang na huwag nang hintayin ang deadline para maipa-enroll ang kanilang mga anak upang makaiwas sa abala.

Para sa mga may katanungan tungkol sa enrollment maaaring tumawag sa hotlines ng DepEd central office o di kaya ay bumisita sa website na deped.gov.ph/obe o magpadala ng email sa action@deped.gov.ph.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: ,