DepED command center, ilulunsad ngayong araw

by Radyo La Verdad | August 15, 2022 (Monday) | 1234

Makalipas ang higit dalawang taon, mas maraming paaralan na sa bansa ang magpapatupad ng face-to-face classes. Inaasahan na ng Department of Education ang iba’t ibang suliranin sa pagbabalik eskwela dahil sa umiiral na Covid-19 pandemic. Kaya naman, ngayong araw muling ilulunsad ng DEPED ang ‘Oplan Balik Eskwela’ public assistance command center. Layon nitong matugunan ang mga katanungan at iba pang mga alalahanin ng mga magulang at mag-aaral kaugnay ng pagbubukas ng klase.

“Alam po natin that opening of classes will not be without challenges that’s why we are hoping na magtulong-tulong po tayo. ‘Pag may napansin po kayo sa opening of classes na mga problema, concerns, issues matatawag nyo po kaagad sa amin yan para matugunan kaagad ng department of education,” pahayag ni Atty. Micheal Poa, Spokesperson, DEPED.

Ilalabas mamaya ng DEPED ang mga numero na maaaring tawagan at messaging platforms na pwedeng padalhan ng mensahe sa OBE command center.

Ipinag-utos na rin ng DEPED sa bawat regional at school division offices nito na magkaroon ng kani-kaniyang command center sa pamamagitan ng public affairs unit.

Bukod pa rito, labimpitong iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang katuwang rin ng deped na magbibigay serbisyo sa mga mag-aaral at magulang upang matiyak ang ligtas at payapang pagbabalik-eskwela.

Batay sa datos ng DEPED as of August 12, nasa 19,819,047 na mga estudyante na ang nakapagpatala para sa school year 2022-2023.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: ,