METRO MANILA – Binigyang-diin ng Department of Education (DepED) na dadaan sa masusi at mahigpit na kondisyon ang gagawing face-to-face classes sa Enero 2021.
Ayon sa pinakahuling pahayag ng DepEd, piling paaralan lang na may mababang banta o kaso ng COVID-19 o nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine o MGCQ ang papayagang magsagawa ng face-to-face classes.
Nais ding bigyang-linaw ng Kagawaran na ang partisipasyon ng mga mag-aaral sa naturang pag-aaral ay boluntaryo, kalakip ang pagpayag o pagsang-ayon ng kanilang mga magulang dito. Hindi isasagawa ang face-to-face classes sa buong linggo.
Isasailalim ang mga mag-aaral sa hiwa-hiwalay na schedule, at babawasan din ang bilang ng mga estudyante sa mga silid-aralan upang masunod ang tamang physical distancing.
Mahigpit na babantayan ng DepED ang pagpapatupad nito sa tulong ng COVID-19 National Task Force (NTF). Kinakailangang magsumite ang Regional Directors sa kalihim ng edukasyon para sa mga napili nilang paaralan at pagkatapos mapili sasailalim ang mga paaralan, LGUs, mag mag-aaral at magulang sa masusing orientation at kumpirmasyon ng kanilang kaalaman at kahandaan bago ang aktwal na pagpapatupad ng face-to-face classes.
Malalaman ang mga limitadong pampublikong paaralan na makakalahok dito bago matapos ang buwan ng Disyembre 2020.
(Beth Pilares | La Verdad Correspondent)
Tags: DepEd, Face to Face class