DepEd, babawasan ang workloads ng mga guro simula ngayong taon

by Radyo La Verdad | September 16, 2022 (Friday) | 8934

METRO MANILA – Inirereklamo ngayon ng ilang grupo ng mga guro ang anila ay sobra-sobrang workloads na iniaatang sa kanila ng Department of Education (DepEd).

Pangunahong dahilan umano ito kaya’t nasasagad sa trabaho o exhausted na ang mga guro kahit kasisimula pa lang ng pasukan.

Ayon kay Teachers Dignity Coalition National Chair Benjo Basas, marami sa kanilang mga miyembro ang nagsasabing inaabot na ng hanggang 9 na oras sa eskwelahan.

Kung tutuusin, lagpas na  ito sa magna carta policy ng Civil Service Commission na 6-hours workday sa eskwelahan at 2 hours na dapat i-accomplish ang iba pang task na pwedeng gawin sa bahay.

Ayon kay Basas, isa rin sa nagpapadagdag pa sa trabaho ng mga guro ang individual performance commitment and review form kung saan marami aniyang kailangang i-accomplish ang guro para rito.

Una nang sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na pinakikinggan ng kagawaran ang hinaing ng mga guro at sinisikap na rin nitong matugunan ang kakulangan sa teachers at bawasan ang workloads ng mga ito.

Ayon kay Department of Education Spokesperson Micheal Poa, nakatakdang maglabas ang kagawaran ng isang ‘Workload Balancing Tool’ upang malaman at  kung ano lamang ang magiging trabaho ng mga guro at contact teaching hour nito sa eskwelahan.

Bukod sa paper works, plano ring alisin ng kagawaran ang events and acitivities ng kanilang central office at ilang field activities ng lokal na pamahalaan na pinapasama ang mga guro.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: , ,