Department of Migrant Workers, naghahanda sa pagiging ganap na departamento

by Radyo La Verdad | December 5, 2022 (Monday) | 1266

Naghahanda sa transition sa pagiging ganap na departamento sa taong 2023 ang Department of Migrant Workers.

Magtitipon-tipon ang higit tatlumpung labor attache ng Philippine Overseas Labor Offices sa Pilipinas upang makibahagi sa kauna-unahang strategic planning workshop ng Department of Migrant Workers.

Isasagawa ito sa Tagaytay City simula December 12 Hanggang 15 na may pamagat na “We A.C.T. As One”.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople, inaasahang tatalakayin sa workshop ang mga isyu sa pandaigdigang seguridad, maritime affairs at digitalization efforts ng kagawaran.

Ayon naman kay DMW Undersecretary Maria Anthonette Velasco-Allones, kasama pa sa mga pag-uusapan sa strategic planning ang pagbuo ng malinaw na indicators para sa performances, propesyonalismo at pagpapatupad ng mga palatuntunan ng ahensya.

Tatawagin nang Migrant Workers Offices o MWOS ang 42 Philippine Overseas Labor Offices kapag naging fully constituted na ang DMW sa susunod na taon.

Pangunahing tutukan ng mga MWOS ang pangangailangan ng mga distressed OFWs sa iba’t ibang bansa.

Sa kasalukuyan may apat napu’t dalawang POLO labor attache ang Pilipinas sa iba’t ibang panig ng mundo.

Isang bagong opisina ng POLO ang magbubukas sa Bangkok, Thailand sa unang quarter ng 2023.

Janice Ingente | UNTV News

Tags: , ,