Department of Disaster Management, kailangan na – Usec. Jalad

by Radyo La Verdad | September 14, 2018 (Friday) | 2199

Muling naungkat ang panukalang pagtatayo ng Department of Disaster Management bunsod ng paghahanda sa Bagyong Ompong na nagbabanta ngayon sa Northern at Central Luzon.

Sa kasalukuyan, ang Office of Civil Defense (OCD) ang tumatayong overall coordinator ng mga ahensiya ng pamahalaan.

Umaasa pa rin ito sa AFP para sa search and retrieval operations, sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga relief supplies at sa mga local government unit para sa iba pang pangangailangan.

Pero ang OCD ay isang ahensiya lamang na nasa ilalim ng Department of National Defense (DND).

Para kay OCD Administrator Usec. Ricardo Jalad, mas magiging epektibo sa pagmamando ng government relief efforts ang OCD kung ito ay isang hiwalay na departmento.

Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address nitong Hulyo, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang humiling sa Kongreso na ipasa na ang batas sa paglikha ng Department of Disaster Management.

Tiniyak naman ni Jalad na handa na ang pamahalaan sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Ompong, kasabay ng paghingi ng kooperasyon ng mga mamayan para matamo ang target na zero casualty.

Samantala, mahigit isang libong pulis mula sa iba’t-ibang unit ng PNP kabilang sa reactionary standby support force (RSSF) na ide-deploy bilang suporta sa mga pulis sa ground na nasa mga lugar na maaapektuhan ng Bagyong Ompong.

Bukod sa seguridad, tutulong din ang mga pulis sa humanitarian at disaster relief operations, force evacuation at road clearing.

Kaninang ala-sais ng umaga, itinaas na ang full alert status ng PNP sa Northern Luzon na direktang maaapektuhan ng Bagyong Ompong.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,