Department of Agriculture, bumuo ng opisina na tutututok agri smuggling sa bansa                                         

by Radyo La Verdad | December 16, 2022 (Friday) | 2069

Tila bidding daw ngayon na nagpapataasan ng pag-aalok sa presyo sa mga magsasaka ng mga bagong aning sibuyas sa Pangasinan.

Ayon kay Mang Benito na byahero ng sibuyas, mahigit na sa 200 piso ang kada kilo ng hango nila.

“Sana pumirma ng permit ang gobyerno ng imported kahit hanggang katapusan lang para bumaba ang presyo ng sibuyas,” Mang Benito, byahero ng sibuyas.

Pagdating sa Balintawak Market, ipapasa nila ito sa mga retailer sa halagang 260 pesos kada kilo o 5,200 pesos kada bag.

Idinadaing nito ang mataas na puhunan at pagtaassa presyo ng produktong petrolyo na kailangan sa transportasyon ng produkto. Pati ang mga galing umano sa cold storages ay lampas din sa 200 ang presyo.

Sa lugar na ito ay pinipili ang mga sibuyas, yung laki nila pinaghihiwa-hiwalay depende doon sa laki. May mga nababawas pa dito tinatanggal yung mga balat na natuyo na. Yung 20 kilos ma isang bag, ang nababawas daw ay 2 kilo. So nababawas ito doon sa kanilang kita

Hanggang sa ngayon ay wala pa ring inilalabas ang Department of Agriculture na import clearance para sa sibuyas.

Bumuo naman ang Agriculture Department ng Office of Assistant Secretary for DA Inspectorate and Enforcement. Itinalaga dito si Assistant Secretary James Layug na dating nasa military. Pangungunahan nito ang pagsugpo sa problema sa smuggling sa bansa.

Ayon sa DA, dahil sa smuglling ay nalalagay sa panganib ang mga hanapbuhay ng mga mangingisda at magsasaka. At dahil hindi ito dumaan sa quality control at inspeksyon ay nanganganib din ang kalusugan ng publiko.

Ang mga smuggled na produkto anila ay nagpapabagsak sa presyo ng mga bilihin na isang dahilan para mawalan ng gana ang mga magsasaka na magtanim o magalaga ng hayop.

Tags: