DENR, target na maging “swimmable” ang tubig sa Manila Bay sa hinaharap

by Radyo La Verdad | November 11, 2021 (Thursday) | 25373

METRO MANILA – Binigyang-diin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na prayoridad nilang mapataas ang kalidad ng tubig sa Manila Bay bago muling buksan ang Dolomite Beach sa Roxas Boulevard, Manila.

Ayon kay DENR Undersecretary for Policy, Planning and International Affairs Jonas Leones, target ng ahensya na malinis ng mabuti ang tubig sa Manila Bay upang posible at ligtas na mapagliguan ng publiko sa hinaharap bukod sa pagbisita sa Dolomite Beach.

Dagdag ni Leones, pangungunahan ng Manila Bay Task Force (MBTF) ang pagsasaayos ng drainage system sa Manila Baywalk kung saan plano nilang ilihis ang mga wastewater na nanggagaling sa mga kabahayan at pabrika papunta sa naturang drainage system habang floodwater naman ang padadaluyin gamit ang 400 meters long na HDPE (high density polyethylene) mula sa sea wall.

Kasabay din nito ay ang pagsasaayos ng parte ng Dolomite Beach Rock Garden na may mataas na fecal coliform level ayon sa kanilang Environmental Management Bureau-National Capital Region (EMB-NCR).

As of October 25, aabot na sa 22,000 mpn per 100 milliliters (MPN/100ml) ang coliform level sa Dolomite Beach habang 100 MPN/100 ml ang standard level para madeklara itong ligtas na pagliguan.

Ito ay di hamak na mas malaking pagbabago kumpara sa millions o billions na coliform level bago ang rehabilitasyon ng Manila Bay.

Inanunsyo din ng kalihim na mananatiling sarado sa publiko ang Manila Baywalk Dolomite Beach dahil sa nakatakdang pagsisimula ng Phase 2 rehabilitation nito. Maaari namang mabisita ang labas na parte ng beach sa ilalim ng mga tuntuning ilalabas ng MBTF upang maiwasan ang overcrowding.

Ilan pa sa mga plano para sa Phase 2 rehabilitation ng Dolomite project ay ang paglalagay ng beach and fishing area malapit sa Manila Yacht Club bilang palaruan at paliguan sa mga kabataan at ang pagtatayo ng dalawang solar-powered comfort rooms, mandamus office, souvenir hub at mga pailaw sa kahabaan ng Manila Baywalk na planong makumpleto lahat ngayong taon.

(Rachel Reanzares | La Verdad Correspondent)

Tags: ,