DENR Sec. Roy Cimatu, ipadadala ni Pres. Duterte sa Cebu upang pangasiwaan ang pagresponde vs COVID-19

by Erika Endraca | June 23, 2020 (Tuesday) | 29542

METRO MANILA – Binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang public address kagabi (June 22) ang matinding suliraning kinakaharap ng Cebu dahil sa COVID-19 at ang umano’y pagsisisihan ng mga lokal na opisyales duon.

Noong June 15, inilagay muli sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine ang Cebu City samantalang ang Talisay naman ay sa Modified ECQ hanggang June 30 dahil sa mabilis na pagkalat ng Coronavirus Disease at pagtaas ng utilization rate ng critical care capacity duon.

Kaya binigyan niya ng bagong direktiba si Environment Secretary Roy Cimatu na magtungo sa lungsod at pangasiwaan ang pagresponde ng pamahalaan laban sa pandemya.

“So kayong mga taga-cebu it’s not that I do not trust your ability but rather I said it’s the penchant to go into a sort of a ‘yang sisihan nga tapos nobody would answer for anything. So mga kaigsuonan nako sa Cebu, both sa mga siyudad og probinsya, akong ipadala si general cimatu all he has to do not for permission but just to advise manila here that these things are being done, these things are not yet done and these things must be done.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaalinsabay nito, inutusan din ng Punong Ehekutibo ang Department Of Health, Interior and Local Government at National Task Force Vs COVID-19 na tulungan si Secretary Cimatu sa panibago nitong obligasyon.

Nangako naman ang kalihim na gagawin ang buo niyang makakaya para matugunan ang bagong responsibilidad na iniatang sa kaniya ng Pangulo.

Sa huli, sinabi ng pangulo na tila naging kampante ang mga taga- Cebu sa banta ng COVID-19.

“Yung mga taga-Cebu ganun din. Bakit marami? Because you were too confident and too complacent about it, parang binalewala ninyo kaya dumating”. ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa pinakahuling ulat ng Department Of Health, ang Cebu City ang pinakamaraming COVID-19 cases sa lahat ng lungsod sa bansa.

( Rosalie Coz | UNTV News )

Tags: , ,