Nanindigan si Environment Secretary Gina Lopez na sinunod niya ang rule of law nang magpasyang ipasara ang 23 non-compliant mining firms at suspindehin din ang operasyon ng limang iba pa kamakailan.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ng kalihim na patuloy niyang ipaglalaban ang batas upang mapangalagaan ang kalikasan at kabilang na dito ang pagpapatigil sa anumang mineral extractions sa mga watershed.
Gayunman, ipinauubaya pa rin nito kay Pangulong Rodrigo Duterte kung tuluyang ipatutupad ang kautusang ipasara at suspindihin ang operasyon ng non-compliant mining firms.
Sa ngayon ay tuloy pa rin ang operasyon ng mga naturang minahan habang hinihintay ang desisyon ni Pangulong Duterte sa kanilang apela.
Kung hindi paborable ang magiging desisyon ng punong ehekutibo ay maaari itong iakyat sa Korte Suprema.
Aminado naman si Secretary Lopez na malulungkot siya kung hindi pagtitibayin ni Pangulong Duterte ang kaniyang naunang desisyon ngunit hindi aniya ito sapat para magbitiw siya sa puwesto.
Samantala, naglabas na rin ng official at detailed audit report ang DENR hinggil sa mga violation ng mga minahan at maaaring makakuha ng kopya nito ang mining firms.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)
Tags: DENR Sec. Lopez, ipinauubaya na kay Pangulong Duterte ang implementasyon sa closure order sa 23 non-compliant mining firms