Katulad ni Perfecto Yasay ng Department of Foreign Affairs, hindi rin pinalusot ng Commission on Appointments si Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources o DENR.
Tumanggi namang magbigay ng detalye si Senator Pacquiao sa ginawang pagboto ng mga mambabatas, alinsunod aniya sa rules ng executive session.
Pero si Congressman Ronnie Zamora, inamin na isa siya sa mga bumuto kontra kay Lopez.
Malaki naman ang panghihinayang ni Lopez dahil hindi na niya maipagpapatuloy ang kanyang plano sa DENR.
Sa kabila nito, hinamon niya ang mga bumoto na kontra sa kanya na magpaliwanag sa publiko.
Dismayado naman ang ilang taga-suporta ni Lopez at sinabing nagpapatunay ang desisyon ng CA na nanaig ang interes ng mga mining company.
Nagpasalamat naman ang Chamber of Mines sa Commission on Appointments sa mabilis na resolusyon ng nomination ni Lopez. Hindi pa aniya ito katapusan, kundi ang simula palang ng isang bagong yugto sa industriya ng pagmimina.
Ayon naman kay Presidential Spokesperson Usec. Ernesto Abella, kasalukuyan pang naghahanap si Pangulong Duterte ng kapalit sa pwesto ni Lopez.
(Joyce Balancio)