Iniisa-isa ngayong ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 11 na inspeksyunin ang mga coastal areas sa rehiyon.
Ito ay upang makita kung mayroong mga establisyimento o mga komunidad na lumalabag sa environmental laws at proper disposal ng waste materials. Nais nilang maiwasan na mangyari rin sa rehiyon ang pagpapasara sa isla ng Boracay dahil sa unti-unting pagkasira nito.
Noong nakaraang buwan, sinimulan ng kagawaran ang kanilang inspeksyon sa Samal Island. Ngayong buwan, ang Davao region naman ang tinutukan ng DENR.
Kahapon, ang Brgy. 76-A na nasa coastline ng Davao City ang unang sinuri ng mga opisyal ng kagawaran. Iniisa-isa ng mga ito ang mga bahay, pribadong establisyimento at beach resorts sa barangay.
Bagamat nakakapagdulot ng konting abala, nakikiisa naman ang mga residente ng barangay sa isinasagawang pag-iinspeksyon ng DENR.
Babala ng DENR sa mga business owner, ayusin ang kanilang operasyon upang hindi makaperwisyo at maperwisyo rin sa hinaharap.
( Dianne Ventura / UNTV Correspondent )
Tags: coastal areas, DENR Region 11, water sewerage disposal