DENR, naglabas ng bagong geohazard map sa Itogon, Benguet

by Radyo La Verdad | October 11, 2018 (Thursday) | 13315

Dahil sa nangyaring pagguho sa iba’t-ibang lugar sa Itogon Benguet matapos ang pananalasa ng Bagyong Ompong na kumitil ng maraming buhay.

Naglabas ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng bagong geohazard map sa Itogon, Benguet.

Ayon kay DENR Cordillera Regional Executive Director Ralph Pablo, dati pula ang kulay ng mga pinakadelikadong lugar sa Itogon pero ngayon may mga kulay brown na.

Kapag kulay pula sa geohazard map, ibig sabihin nito ay susceptible o madali gumuho ang lupa lalo na kapag may bagyo.

Pero kapag kulay brown, very highly susceptible na sa landslide ang mga lugar na ito, ibig sabihin ay hindi na dapat magtayo ng anomang tirahan o hanapbuhay sa lugar. Kahit konting ulan lamang ay maari nang gumuho ang lupa.

Ayon kay DENR Assistant Joselin Marcus Fragada, ito ay dahil na rin sa mga nadiskubreng butas o tunnel sa ilalim ng lupa dulot ng mga pagmimina. Siyam na lugar ang tinukoy ng DENR na hindi na maaring tirhan.

Kabilang na rito ang Barangay Ucab kung saan higit 60 ang namatay dahil sa landslide matapos manalasa ang Bagyong Ompong.

Samantala, pinutol na ng Benguet Electric Cooperative ang nasa 366 na iligal na linya ng kuryente sa mga lugar na ginagamit ng mga minero para sa ball mill na siyang gumigiling sa nakukuhang mineral ore.

 

( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )

Tags: , ,