DENR, nagbabala vs. mga maglalagay ng election campaign posters sa mga puno

by Radyo La Verdad | November 26, 2015 (Thursday) | 1838

BRYAN_BABALA
Hindi pa man nagsisimula ang campaign period para sa 2016 national at local elections , nagkalat na ang mga poster at iba pang election paraphernalia ng mga kakandidato sa halalan.

Sa Cebu, may nakasabit na poster ng mga kandidato sa mga poste ng kuryente at mayroon ding mga nakapako pa sa mga puno.

Dahil dito, muling nagpaalala ang Department of Environment and Natural Resources o DENR sa mga kakandidato at supporters ng mga ito na sundin ang designated posting areas ng commission on elections at iwasang maglagay ng mga poster sa mga punong-kahoy.

Sa ilalim ng Republic Act 9006 o ang Fair Election Act, ipinagbabawal ang paglalagay ng campaign posters sa mga puno gamit ang pako at staple wires pati na sa mga kawad ng kuryente, bantayog at school premises.

Maaari lamang magpaskil ng election paraphernalia sa common poster areas gaya ng plaza, palengke at barangay centers; kung pribadong lugar naman, kailangang may pahintulot ito ng may-ari.

Ayon sa DENR, sa ilalim ng batas ay maaaring sampahan ng reklamo ang mga kandidatong lalabag sa panuntunan.

Babala rin ng DENR, maaaring masayang ang posters ng mga kandidatong idinikit sa mga puno dahil agad nila itong babaklasin.

Nanawagan rin sila sa publiko na tumulong sa pagbabantay at agad isumbong sa kanilang tanggapan kung may makikitang iligal na nagkakabit ng mga campaign posters.(Bryan Evangelista/UNTV Correspondent)

Tags: , ,