DENR, DOH at lokal na pamahalaan ng Limay, Bataan, nagsagawa ng dayalogo kaugnay ng inirereklamong power plant

by Radyo La Verdad | January 9, 2017 (Monday) | 2830

leslie_diyalogo
Isang technical conference ang isinagawa ng DOH, DENR, opisyal ng Bataan government at mga residente na apektado umano ng nagbubuga ng abo ng isang power plant dito sa Bataan.

Alas tres ng hapon nagsimula ang conference na isinagawa sa munisipyo ng Limay sa Bataan.

Tinalakay dito ang pagkuha ng EMB-DENR Region 3 ng sample ng bottom ash na sinasabing ibinuga ng power plant.

Ayon sa EMB, tatagal ng tatlo hanggang anim na buwan ang gagawing eksaminasyon sa abo at kung ito nga ba ay nakaka-apekto sa kalusugan ng mga tao.

Una nang inireklamo ng mga residente na nagkakasakit na sila dahil sa ashfall mula sa planta.

Iginiit rin nila na matagal nang nangyayari ang ash fall taliwas sa sinasabi ng operator ng planta na Petron-San Miguel Corporation na dalawang linggo pa lamang silang nag-ooperae sa lugar.

Hinamon rin nila ang mga lokal na opisyal na magtungo mismo sa kanilang lugar upang makita ang kanilang sitwasyon.

Nagkaroon na rin ng usapan ang lokal na pamahalaan ng Limay at management ng power plant na ipahinto ang pagtatapon ng bottom ash sa kanilang lugar at itatambak na lamang ito sa isang private property.

Nangako naman ang pamunuan ng power plant na susunod sila sa panuntunan ng DENR at magbibigay ng karagdagang ayuda sa mga apektadong residente.

(Leslie Huidem / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,