DENR-BMB, inilunsad ang “Buhay-Ilang sa Siyudad Project” sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center

by Erika Endraca | June 30, 2021 (Wednesday) | 4615

METRO MANILA – Inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources – Biodiversity Management Bureau (DENR-BMB) ang “Buhay-Ilang sa Siyudad Project” sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center (NAPWC) noong Hunyo 22 bilang isang tugon sa pagpapalawig ng “green spaces” sa mga lungsod sa buong bansa sa gitna ng nararanasang pandemya.

Kasabay ng paglunsad ng nasabing proyekto ay nakapagtanim ng 144 na iba’t ibang uri ng katutubong puno tulad ng banaba, mussaenda, apitong, yakal, ipil at iba pa na nilahukan ng 229 DENR executives at ilang mga tauhan galing sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Corrections (BuCor).

“By planting trees especially in urban areas, we have been nurturing nature and green spaces that can be beneficial to humans as it can contribute directly to health by reducing stress and improving the overall quality of life,” ani Sec. Roy Cimatu sa kaniyang talumpati na binasa ni Undersecretary Benny Antiporda ng DENR – Solid Waste Management and Local Government Units Concerns.

Layunin ng proyekto na baguhin ang parke bilang isang lugar ng mga katutubo at endemikong puno na makatutulong sa pag-aaral ng mga siyentipiko ukol sa estado ng urban biodiversity.

Isa pang layunin ng proyekto ay upang maayos na mapangalagaan at mabawasan ang mga masasamang banta sa biodiversity sa mga lungsod nang sa gayon ay magpatuloy ang natural na serbisyo ng kalikasan sa mga tao at mga hayop ngayon at pati na rin sa hinaharap na henerasyon.

Sa kasalukuyan, isa ang Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center (NAPWC) sa natitirang “green spaces” sa Metro Manila at kabilang sa 94 legislated protected areas sa buong bansa ayon sa Republic Act 11038 o ang Expanded National Integrated Protected Areas System (ENIPAS) Act of 2018.

(Ezekiel Berunio | La Verdad Correspondent)

Tags: ,