Dengvaxia Vaccines, hindi solusyon sa Dengue Outbreak sa bansa – Independent Health Advocate

by Erika Endraca | August 6, 2019 (Tuesday) | 3893

MANILA, Philippines – Nanindigan si Independent Health Advocate Dr. Anthony Leachon na hindi solusyon ang Dengvaxia Vaccines sa dengue outbreak sa bansa.

“Hindi mo ibibigay ang dengvaxia kasi lamok ang problema so tanggalin mo ang lamok, iyan ang dapat gawin lahat ng tao. Maglinis ng kapaligiran.” ani Independent Health Advocate Doctor Anthony Leachon.

Ayon kay Leachon, isa sa dahilan kung bakit dumarami ang dengue sa Pilipinas ay dahil isa tayo sa itinuturing na pinakamaruming bansa sa asya dahil sa dami ng mga basurang naiipon at hindi nadi- dispose ng maayos.

“Kasi hindi siya silver bullet na life and death situation.  Ang kailangan natin iyong ginagawa ni Mayor Isko Moreno right now, iyong paglilinis ng mga kalye, mga brgy, mga basura kasi pabalik- balik na e.” ani Independent Health Advocate Doctor Anthony Leachon.

Dagdag pa ni Doctor Leachon na hindi makatuwiran ang panukala ng ibang eskperto na muling gamitin ang dengvaxia vaccines sa pilipinas upang maagapan ang pagdami pa ng dengue cases.

Ito ay dahil hindi pa rehistrado at wala pa ring malinaw na pruweba na makatutulong ito upang hindi na magkaroon ng dengue ang isang indibidwal.

“Huwag tayong padalos- dalos, maraming masakit na lessons na natutunan tayo and to rush this again to the market may actually hurt us again. At maraming maraming mga bata 800,000 kids ang nag- suffer and their families. Hindi ba natin  ikokonsidera iyon?” ani Independent Health Advocate Doctor Anthony Leachon.

Panawagan ni Leachon dapat pag-aralang mabuti ng pamahalaan ang apela na muling gamitin ang Dengvaxia Vaccines upang huwag ng maulit ang kontrobersiyang idinulot ng paggamit ng naturang bakuna sa mass immunization program noong nakaraang  administrasyon.

(Aiko Miguel | Untv News)

Tags: ,