Dengvaxia vaccine, may posibleng masamang epekto sa mga nabakunahan bago pa magkaroon ng dengue ayon sa manufacturer nito

by Radyo La Verdad | December 1, 2017 (Friday) | 17970

Naglabas ng bagong analysis tungkol sa Dengvaxia ang Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng dengue vaccine, matapos ang anim na taong clinical trial.

Sa press release na inilabas ng mga ito sa kanilang official website noong Miyerkules, sinabi ng pharmaceutical giant na nagbibigay ang vaccine ng epektibo at matagalang proteksyon sa mga taong nagkaroon na ng sakit na dengue.

Ngunit sa mga hindi pa na-iinfect ng dengue virus, posibleng maging sanhi ng mas malalang karamdaman kung mababakunahan ng Dengvaxia bago pa magkaroon ng sakit na dengue.

Ayon sa Sanofi, nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa mga National Health Authorities upang matiyak na maipaaalam sa mga kinauukulan ang tungkol sa bagong findings. Irerekomenda nila na magkaroon ng assessment kung nagkaroon na ng dengue ang isang tao bago ito mabigyan ng bakuna.

Para sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue, hindi umano dapat na irekomenda ang vaccine.

December 2015 nang aprubahan ng Food and Drug Administration ang paggamit ng Dengvaxia sa Pilipinas, ito ang kauna-unahang bansa sa Asia na nagbigay ng lisensya sa vaccine.

Nasa 3.5 billion pesos ang ginamit na pondo ng pamahalaan upang bumili ng naturang bakuna para sa free vaccination program sa ilalim ni dating Health Secretary Janette Garin.

Tinatayang nasa  apat na raang libong mga estudyante na ang nabakunahan nang magsimula ang school-based immunization noong April 2016.

Una itong isinagawa sa mga paaralan sa Metro Manila, CALABARZON at Central Luzon, ang tatlong rehiyon na may pinakamatataas na kaso ng dengue infection sa bansa.

Una nang inimbestigahan ng mababang kapulungan ng Kongreso ang tungkol sa pagbili sa vaccine dahil sa umano’y mga irregularidad dito.

Ayon sa ilang mambabatas, tila minadali ang procurement sa Dengvaxia. Sa ngayon ay wala pang inilalabas na pahayag ang DOH sa isyu.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

Tags: , ,