Dumalo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Dengvaxia controversy ang dengue expert at U.S. based scientist na si Dr. Scott Halstead.
Ayon kay Dr. Halstead, napanood niya kung paano nagdulot ng pangamba sa mga magulang ang isyu ng Dengvaxia, lalo na nang isinailalim sa autopsy ang mga batang inuugnay ang kamatayan sa Dengvaxia.
Pero ayon kay Halstead, hindi malalaman sa autopsy kung ang Dengvaxia vaccine nga ang ikinamatay ng mga ito.
Hindi rin aniya dapat isisi sa Dengvaxia ang iba pang sakit na nakikita sa mga batang ino-autopsy.
Bago rin aniya ibigay ang Dengvaxia, dapat ay nagkakaroon ng blood test sa mga kabataang Pilipino.
Marso 2016 ay nagpadala rin ng sulat si Dr. Halstead sa isang international medical journal kung saan iginiit nito na hindi maaring ibigay ang Dengvaxia sa seronegative o sa mga hindi pa nagkasakit ng dengue.
Umaasa itong pakikinggan ang kaniyang panawagan ng mga eskperto at ng Sanofi Pasteur subalit natuloy pa rin ang Dengvaxia mass immunization sa Pilipinas noong Abril 2016.
Samantala, ihahanda na ng Senate Blue Ribbon Committee ang report kaugnay ng imbestigasyon sa Dengvaxia issue. Kasama dito ang rekomendasyon kung sino ang dapat na sampahan ng kaso.
Ayon kay Committee Chairman Senator Richard Gordon, kabilang sa mga pwedeng kasuhan si dating Pangulong Benigno Aquino III.
Wala pang tugon hinggil dito si Aquino.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )
Tags: dengue, Dengvaxia, Dr. Scott Halstead