Sa tala ng World Health Organization, 1.4 million na batang nasa edad limang taong gulang pababa ang namamatay dahil sa iba’t-ibang uri ng sakit. Dahil ito sa hindi kumpletong bakuna o hindi nasusunod na routine vaccination.
Kaya’t nakatakdang maglabas ng Department of Health ng mga bagong istratehiya upang umabot sa pinakamalalayong lugar ang libreng bakuna.
Ayon kay Sec. Francisco Duque III, mas madali nang makapagbibigay ng full phase vaccination lalo na sa mga sanggol at bata dahil sa mas malaking pondong inilalaan sa Kagawaran.
Nangangako rin itong ipagpapatuloy ang naumpisahang Universal Health Care Program at maging ang pagsusulong sa Mental Health Bill. Kasama pa sa prayoridad ng Kagawaran na matugunan ang mapababa ang bilang ng high maternal at neo natal mortality rate, tuberculosis at HIV/ AIDS.
Layunin rin ng DOH na maagapan ang pagkalat ng communicable infectious diseases gaya ng malaria, rabies at dengue. Nakatakda namang pag-aralan ng bagong pamunuan ang mga resulta ng initial phase ng mga naka-kumpleto ng dengue vaccine.
Sa ngayon ay wala pang pinal na desisyon si Sec. Duque kung itutuloy ang pagbibigay ng naturang bakuna sa mga kabataan lalo na’t ilang araw pa lamang siya sa DOH.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )