Dengue, leptospirosis, trangkaso at diarrhea, ilan sa mga nauusong sakit ngayong tag-ulan – DOH

by Radyo La Verdad | June 12, 2018 (Tuesday) | 7357

Hindi maiiwasan na mauso na naman ang ilang mga sakit na nakukuha sa baha at dahil sa tag-ulan at malamig na panahon.

Ayon sa Department of Health (DOH) kabilang sa mga pangkaraniwang sakit tuwing tag-ulan ay ang leptospirosis, dengue, trangkaso at diarrhea.

Paalala ng DOH, importante na palaging panatilihin malinis ang paligid at huwag ipagwalang bahala sakaling magkasit.

Upang maiwasan ang diarrhea, payo ng DOH na importanteng pakuluan ang tubig upang masigurong malinis at ligtas itong inumin. Dapat rin siguruhin na maayos ang pagkakaluto ng mga pagkain upang makaiwas sa food poisoning.

Pinayuhan rin ng DOH ang publiko na iwasang lumusong sa baha lalo na kung mayroong sugat. Mas makabubuti anila na gumamit ng bota upang hindi pasukin ng bacteria ang katawan.

Sakaling tamaan ng leptospirosis, ayon sa DOH magtungo lamang sa pinakamalapit na health center kung saan libreng makakakuha ng mga gamot. May bakunang maaring ibigay ang DOH bilang proteksyon sa trangkaso.

Upang makaiwas naman sa dengue, pinayuhan ng DOH ang publiko na ugaliing maglinis ng paligid at tanggaling ang lahat ng mga bagay na maaring pamugaran ng lamok.

Giit ng kagawaran, importante na palaging siguruhin ang malusog na pangangatawan upang makaiwas sa anomang uri ng sakit.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,