Dengue fatality rate sa unang buwan ngayong taon, bumaba – DOH

by Radyo La Verdad | March 9, 2018 (Friday) | 6555

Mahigit 40 kaso na ng mga batang inuugnay ang kamatayan sa Dengvaxia ang hawak ngayon ng Department of Health (DOH). Pero ayon sa kagawaran, siyam lamang sa kanila ang nagkaroon ng severe dengue.

Umabot na rin sa mahigit 10,000 libo ang nagkasakit ng dengue sa unang dalawang buwan ngayong taon pero maliit na porsyento lang dito ang nasawi.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, patunay lamang ito na mababa ang dengue fatality rate sa bansa, nabakunahan man o hindi ng Dengvaxia.

Nilinaw rin ng kalihim na hindi lahat ng mga dinadala sa ospital na mga nabakunahan ng Dengvaxia ay nagkasakit dahil sa naturang bakuna. Gaya na lamang sa dalawang kaso ng vaccinee na dinala sa Tondo Medical Center.

Samantala, sa pag-iikot ng kalihim sa mga ospital kahapon, napansin nito ang kakulangan sa mga hospital beds sa mga pagamutan.

Sa isang ospital, magkasama sa isang kama ang dalawang bata na magkaiba ang sakit.

Kaya nais ni Sec. Duque na hilingin sa Kongreso na ipaubaya na sa DOH ang pagpapasya kaugnay sa bilang ng mga hospital beds sa mga pampublikong ospital.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,