‘Deltacron’ o kombinasyon ng Delta at Omicron, posibleng mas mapanganib sa ibang variants – Pulmonologist

by Radyo La Verdad | January 11, 2022 (Tuesday) | 1427

METRO MANILA – Umabot sa 25 na kaso ang naitala sa Cyprus na Deltacron. Ayon sa health minister ng Cyprus, kombinasyon ito ng Delta at Omicron COVID-19 variants.

Ayon naman sa Pulmonologist at Presidente ng Philippine College of Physicians na si Dr Maricar Limpin, posibleng magkapareho ang Demicron na naitala sa India at Deltacron na naitala sa Cyprus.

Ngunit ayon sa eksperto, posibleng mapanganib ang anomang kombinasyon ng 2 COVID-19 variants lalo na ang Delta at Omicron.

Sa isang pahayag sinabi naman ng DOH na tanging World Health Organization lang ang maaaring magbigay ng classification sa mga COVID-19 variants.

Variant under monitoring , variant of interest o variant of concern.

Sa ngayon, wala pa namang naitatalang kaso ng ihu, deltacron at demicron variants sa pilipinas

Samantala, malurit at hiwalay na testing ang kailangang gawin upang malaman kung ang isang taong may COVID-19 infection ay meron ding flu o ang kombinasyon ng 2 sakit na tinatawag na Flurona

Paliwanag pa ni  Dr Limpin, mas prayoridad nilang matukoy kung ang isang taong may mga sintomas ng flu o trangkaso ay positibo sa COVID-19.

Ito ay dahil mas nakahahawa ang COVID-19 at mahirap ding makita ang pagkakaiba ng mga sintomas ng 2 sakit.

Paliwang naman nina Infectious Diseases Experts Dr Edsel Salvaña at Dr Rontgene Solante, hindi “unusual” na may lumitaw na ganitong pinagsamang infection lalo na kung mahina ang resistensya at may comorbidity o sakit ang isang indibidwal.

Katunayan, naitala ito noong January 2020. Isa itong Chinese national,  44 yrs old na lalaki at asawa ng unang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Batay sa record nito, nagkaroon ito ng Influenza B at COVID-19 bago ito nasawi. Siya rin ang unang death case ng COVID-19 na naitala sa labas ng China.

Kaya naman pinapayuhan ang mga vulberable gaya ng matatanda at mga kabilang sa A3 sector na kumuha ng flu shots at pneumonia vaccines lalo na ngayon na umiiral din ang pandemya.

Dapat ay 2 linggo ang pagitan kapag nagpabakuna kontra flu, pneumonia at ng COVID-19.

Pinapaalalahanan ang lahat na mag-ingat lalo na ngayong malapit nang umabot sa 3M ang mga naitalang COVID-19 cases bansa.

Kahapon, umabot sa 33,169 ang bagong kaso na pinakamataas na bilang ng COVID cases simula ng magkaroon ng pandemya . 3,725 naman ang gumaling na sa sakit nguni’t may 145 na nasawi.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: