METRO MANILA – Pababa man ang COVID-19 cases sa Pilipinas, maigting pa rin ang biosurveillance efforts dahil sa mga umuusbong na COVID-19 variants at sublineage sa ibang mga bansa.
Tiniyak naman ni Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque na wala pang BA.2.2 sa bansa maging ng recombinant COVID-19 variants o ang pinagsamang Delta at Omicron.
Ang Deltacron ay naitala na sa Denmark, Germany, France at sa the Netherlands.
Ang BA.2.2 omicron sublineage naman ang sanhi ng muling pagtaas ng kaso sa Hong Kong.
Ayon pa sa kalihim, malaki ang posibilidad na makapasok ito sa Pilipinas dahil malapit lang tayo sa bansang Hong Kong.
Ang Hong Kong ay nakararanas ngayon ng surge ng COVID-19 cases.
Ipinagmalaki naman ng kalihim na kahit paano’y mas mataas na ang vaccination coverage natin sa senior citizens o A2 sector kumpara sa Hong Kong na nasa 33% lang.
Batay sa ulat ng DOH noong Martes. 6.5 million na ang fully vaccinated at 1.9 million na senior citizens na ang may booster shot.
Samantala, may rekomendasyon ang World Health Organization (WHO) na maaaring mabigyan ng 2nd booster o 4th dose ang mga may comorbidity at mga mataas ang risk ng exposure sa COVID-19 infection.
Sa ngayon, ang Israel at Chile ay nakapag bigay na ng 4th dose ng COVID-19 vaccine habang ang Cambodia, Denmark at Sweden, plano na ring ibigay ito sa specific groups.
Dito sa Pilipinas may rekomendasyon na rin naman ang vaccine expert panel na ibigay na ito sa mga healthcare workers, immunocompromised individuals at senior citizens.
Ayon kay Philippine College of Chest Physicians President Dr Imelda Mateo, makakatulong din ang isa pang booster dose upang maka-iiwas sa malalang infection at long-term effects dulot ng COVID-19 sakaling magkaroon ng panibagong surge.
(Aiko Miguel | UNTV News)