Delta variant, walang unique na sintomas ngunit dulot ay mataas na viral load – Infectious Disease Expert

by Erika Endraca | July 22, 2021 (Thursday) | 3456

METRO MANILA – Ipinahayag ni Infectious Disease Expert Dr Rontgene Solante na magkakapareho lamang ang mga sintomas na idinudulot ng COVID-19 at variants of concern.

Ang ilan sa mga karaniwang sintomas ay ubo, lagnat, pananakit ng katawan, ulo at lalamunan, gayundin ang pagkawala ng panlasa at pang- amoy.

Ngunit mas may tiyansang maging malala ang kondisyon ng isang may Delta variant dahil mas mabagsik ito kumpara sa ibang COVID-19 variant.

“Siguro ang isa lang kaibahan nito, if you have virus that has higher viral load iyong risk mo na ma- hospitalize will also be higher compare to the other variants of concern pero ang manifestation .. It’s still teh same as other variants of concern” ani Infectious Disease Expert/ VEP Member Dr Rontgene Solante.

Muling ipinalala ni Dr Solante na mas mabilis ang hawaan sa Delta variant dahil ang isang taong positibo nito ay maaring makapanghawa ng 5 hanggang 8 tao kumpara sa Alpha variant na nakapanghahawa lamang ng 2.

Nababawasan din ang bisa ng COVID-19 vaccines sa variant na gaya ng Delta, ngunit ang isang taong fully vaccinated ay mababa ang tiyansang ma-ospital at masawi dahil sa virus

Bilang paghahanda sa posibleng pagtaas pagtaas muli ng kaso sa bansa dahil sa Delta variant, nag- imbak na ang Department Of Health (DOH) ng oxygen supply para sa mga ospital.

Ayon kay Health Spokesperson Usec Maria Rosario Vergeire, sinimulan nila itong gawin nang napabalitang nagdulot ng sugre sa India ang Delta variant, kung saan ito unang natuklasan.

Nagsagawa na rin sila ng inventory sa iba’t ibang ospital upang matiyak na may sapat na oxygen supply ang mga ito.

Ayon sa DOH, nakipag- ugnayan na rin ito sa ibang ahensya upang matiyak na makakapagbigay ng karagdagang oxygen supply ang mga manufacturer.

Dahil kapag may sapat na oxygen supply ang mga ospital, maaagapan ang pagkasawi ng mga severe at kritikal na kondisyon dahil sa Delta variant.

Bukod sa oxygen tanks, mangangailan din ng oxygen concentrators na makinang nagpo-produce ng oxygen at ng mechanical ventilators.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), 72,000 ang kayang i-produce na mga oxygen tank manufacturer sa loob ng 1 araw nguni’t kaya pa nila itong doblehin pa dahil sa pangangailangan ngayong may pandemya.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,