Delta variant, mabilis makahawa gaya ng Chickenpox o bulutong-tubig – US Centers for Disease Control and Prevention

by Erika Endraca | August 2, 2021 (Monday) | 3803

METRO MANILA – Mas marami ng 1,000 beses ang dalang virus ng isang taong positibo sa Delta variant kumpara sa positibo sa ibang COVID-19 variants of concern ayon sa Department Of Health (DOH).

Sa sobrang bilis ng hawaan sa Delta variant, inihalintulad ito ng mga eksperto sa chickenpox transmission.

Gaya ng COVID-19, ang chickenpox o bulutong-tubig ay naihahawa sa pamamagitan ng direct contact sa isang may sakit nito, lalo na kung natalsikan o dinapuan ng bodily fluid ng infected.

Batay sa ulat ng Infectious Disease Experts, ang isang taong na- expose sa nagpositibo sa Delta variant ay maaaring mahawa sa loob lang ng 15 minuto

“Parang chickenpox siya – iyon pong chickenpox kasi, iyan iyong tinatawag na bulutong-tubig ‘no. So ito po iyong sinasabi na madali kasi ma-infect ang tao kapag chickenpox. So opo, ito pong Delta variant highly transmissible. Maari po tayong magkaroon ng fleeting moment lang at kaya ay puwedeng nang mahawa.1,000 more viral load ‘no than the UK Variant itong delta variant na ito.” ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon pa sa ulat ng US Centers for Disease Control and Prevention, mas nakahahawa rin ang Delta variant kumpara sa common cold, 1918 Spanish Flu, Smallpox, Ebola, Mers- Cov at SARS. Ilan lang ito sa mga nakahahawang sakit na naitala sa buong mundo kung saan marami rin ang nasawi.

Nguni’t kahit na nakakapagdulot ng severe COVID-19 Infection ang Delta variant, maiiwasan naman ito sa pamamagitan ng Covid-19 vaccine

Ayon sa DOH, ang mga nasa ulat ng cdc na nagkaroon ng malalang kondisyon ay mga hindi bakunado. Kaya naman muling hinikayat ng DOH ang mga kabilang sa priority sector ng magpabakuna na.

“Iyon pong proteksiyon na binibigay ng bakuna against the delta variant ay nandoon . Yes, the vaccines that we have currently in the country, lahat sila can protect you from severe disease and hospitalization.” ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon pa sa DOH, posible pa ring mahawa sa COVID-19 variant ang isang taong fully vaccinated.

Kaya kaakibat pa rin dapat ng pagpapabakuna ay ang pagdo-doble ingat at responsableng pagsunod sa minimum public health standards.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: , ,