Delivery ng mga produkto na galing sa ibang bansa, naantala dahil sa congestion ng mga empty container sa pantalan

by Radyo La Verdad | October 2, 2018 (Tuesday) | 8518

Eklusibong nakuha ng UNTV ang kopya ng delay notice ng ilang mga international shipping lines sa Manila Port Area.

Ayon sa notice, maaantala ang kanilang delivery ng mga produkto dahil sa congestion sa pantalan.

Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), tumaas ng 9% o katumbas ng 4.3 million twenty-foot equivalent units ang volume ng container traffic sa pantalan dahil sa domestic trade.

Habang 8% o katumbas ng mahigit 2.5 milyon naman ang itinaas ng container traffic sa Port Area dahil sa foreign trade. Kaya’t ang resulta, congestion ng libo-libong mga empty container sa pantalan ng Maynila at Camanava.

Ayon sa Association of International Shipping Lines (AISL), ito ang nagiging problema kapag ber months dahil tumataas ang inaangkat na produkto ng bansa.

Wala anila silang magawa dahil wala ng paraan upang mapalaki pa ang mga container yard sa Metro Manila.

May itinayong container yard sa Bulacan subalit lubha na itong malayo para sa mga trucker na nagdedeliver ng mga produkto. Ang mga trucker naman, hindi na makapag-karga ng bagong delivery.

lnaabot ng limang araw bago kunin muli ng mga shipping companies ang kanilang mga empty container mula sa mga trucker.

Sa Navotas, halos kasing taas na ng mga gusali ang patong-patong na nga empty container.

Ayon sa Bureau of Customs (BOC), fully utilized na ang mga container yard kaya nagkakaroon ng congestion.

Kaya naman lahat ng mga empty container na hindi makukuha sa loob ng 90 na araw ay ituturing na abandonado at kukumpiskahin.

Aminado naman ang mga supermarket owner na wala rin silang magagawa kundi sumunod sa magiging epekto ng container congestion sa presyo ng nga produkto.

Ayon kay Steven Cua, siguradong magkakaroon ng paggalaw sa presyo ng produkto dahil sa tataas rin ang delivery cost pero sisiguraduhin nila na may mabibili pa rin ang mga consumer.

Si Aling Ana, unti-unti ng bumibili ng mga pagkain para sa holiday, aniya mabuti ng handa bago pa man tumaas presyo ng mga bilihin.

Ang DTI naman, kinumpirma ng magkakaroon ng paggalaw sa presyo ng mga noche buena product sa Disyembre, hihirit daw ng dagdag-presyo ang mga manufacturer.

Kaya bukod sa epekto ng congestion sa Port Area, isa rin ang hiling na dagdag-presyo ng mga manufacturer sa makaka-apekto sa presyo ng mga bilihin.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,