Delisting ng 1.3-M beneficiaries ng 4Ps, pinaiimbestigahan ng mga mambabatas

by Erika Endraca | August 11, 2022 (Thursday) | 2953

METRO MANILA – Inalis ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nasa 1.3 million mula sa listahan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ayon sa DSWD, hindi na aniya maituturing na mahirap ang mga naalis sa listahan.

Ngunit ayon kay Assistant Minority Leader at 4Ps Patylist Representative Jonathan Abalos, 516,000 sa 1.3 million na na-delist ay eligible pa rin maging benepisyaryo ng nasabing programa.

Kaya nais alamin ng mambabatas kung paano ang proseso ng delisting ng DSWD.

Sa inihaing House Resolution No. 200, hinihiling na maimbestigasyon ang pagtanggal sa 1.3 milyong Pilipino mula sa 4Ps ng DSWD.

Ayon kay Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas, dapat magkaroon ng pagdinig tungkol sa isyu lalo na’t dumarami ang mahihirap na Pilipino sa bansa.

Ayon sa inilabas na second quarter survey ng Social Weather Stations (SWS), 48% ng mga pilipino ang nagsasabing naghihirap sila.

Mas mataas ito kumpara noong april 2022, kung saan 43 percent lamang ang nagsabing nakakaranas sila ng hirap sa buhay.

Mismong ang DSWD ang umaamin na may mga discrepancy sa bagong listahan ng kagawaran kung saan inalis ang 1.3 milion na mga beneficiary ng 4Ps.

Nitong Lunes (August 8) sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na muling pag-aaralan ng ahensya ang Listahanan 3 na siyang bagong database ng ahensya

(Aileen Cerrudo | UNTV News)

Tags: ,