Deklarasyon ng Martial law sa Mindanao, pinagtibay ng Supreme Court

by Radyo La Verdad | July 4, 2017 (Tuesday) | 1670

Kinatigan ng Korte Suprema ang deklarasyon ng Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.

Labing-isang mahistrado ang bumoto upang i-dismiss ang tatlong mga petisyon laban sa Proclamation 216 na naglagay sa buong Mindanao sa tatlong mahistrado ang nais limitahan ang mga lugar na sakop ng martial law habang isang mahistrado ang nagsabing walang basehan ang deklarasyon ng pangulo.

Bukas pa ilalabas ng korte ang kabuuan ng kanilang desisyon, kasabay sa deadline na itinatakda ng Saligang-Batas.

Nagpasalamat si Solicitor General Jose Calida sa naging desisyon ng korte dahil pinayagan aniya ang pangulo na ipagtanggol ang taong bayan.

Patunay aniya ito na kaisa ng pangulo ang SC sa pagtatanggol sa soberanya at teritoryo ng bansa.

Ayon naman sa Malacañang, buo na ang pwersa ng pamahalaan sa paglaban sa kaaway ngayong nagdesisyon ang Korte Suprema pabor sa Martial law.

Dismayado naman ang mga petitioner at nangangambang magamit ang desisyon upang palawigin pa ang batas militar.

Maghahain umano sila ng mosyon upang himukin ang korte na baliktarin ang desisyon.

Bagamat maaari pang umapela ang mga petitioner, dadaan sila sa butas ng karayom para mabago pa ang desisyon lalo’t pitong mahistrado ang kailangan nilang kumbinsihin na baliktarin ang kanilang boto.

(Roderic Mendoza / UNTV News Correspondent)

Tags: , ,