May sapat na basehan at naaayon sa saligang-batas ang Martial law sa Mindanao.
Ito ang buod ng desisyon ng Korte Suprema sa pag-dismiss sa mga petisyon laban sa Procamation No. 216 ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Associate Justice Mariano del Castillo ang sumulat ng desisyon na sinang-ayunan ng sampu pang mga mahistrado.
Ayon sa korte, hindi na mahalaga na eksaktong-eksakto ang lahat ng basehan ng pangulo sa pagdedeklara ng Martial law.
Sapat nang nakapagpakita ito ng ebidensiya upang paniwalaan na may rebelyong nagaganap sa Marawi City.
Sabi pa ng korte, walang nakalagay sa saligang-batas na dapat limitahan lang ang batas militar kung saan mayroong armadong pag-aaklas.
Layunin anila ng Martial law sa mindanao na mapigilan ang pagdagsa ng dagdag na pwersa ng mga terorista sa marawi at maputol ang supply ng armas at resources ng mga ito.
Wala rin anilang saysay ang Martial law kung lilimitahan lamang ito sa Marawi.
Pabor naman sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Justice Alfredo Benjamin Caguioa sa deklarasyon ng martial law pero dapat anila itong limitahan lamang sa tatlong lalawigan sa Mindanao.
Ang mga ito ang lalawigan ng Lanao del Sur kung saan naroon ang Marawi City at ang mga lalawigan ng Maguindanao at Sulu kung saan nagmumula ang suporta ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF at Abu Sayyaf.
Kumbinsido si Senior Associate Justice Antonio Carpio, na dapat magpatupad ng batas-militar sa Marawi.
Ngunit labag na aniya sa konstitusyon na ipatupad ito sa ibang bahagi ng mindanao kung saan wala namang aktwal na rebelyong nagaganap.
Si Justice Marvic Leonen naman ang nag-iisang mahistrado na tutol sa deklarasyon ng martial law.
Ayon sa kanya, hindi na kailangang magpatupad ng martial law sa Mindanao dahil kaya naman ng militar na supilin ang mga teroristang Maute.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: Korte Suprema, pagdismiss, petisyon