Nakatakdang umalis ng bansa papuntang Russia sa susunod na linggo si Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Kasunod na rin ito ng alok ng Russia na maging supplier ng high-powered firearms ng Pilipinas matapos magkaroon ng issue sa supply mula sa Amerika dahil sa umano’y pagharang ng isang mambabatas kaugnay ng tumataas na kaso pagpatay sa bansa.
Ayon kay Sec. Lorenzana, layon ng pagbisita na maghanap ng mga bagong kagamitan bilang bahagi ng modernisasyon sa Armed Forces of the Philippines.
Inaasahan ring makikipag-pulong si Sec. Lorenzana sa kanyang defense counterparts doon.
Umaasa si Secretary Lorenzana na maisasapinal na ang memorandum of understanding ng Pilipinas at Russia lalo’t matagal nang nagawa ang draft nito sa mga nagdaang administrasyon…
Tiniyak naman ng kalihim na mangingibabaw ang interes ng bansa sa mga papasuking defense cooperation sa ibang bansa.
At mas itutuon rin ang mga pagsasanay ng militar sa paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad, civic activities, paggawa ng imprastraktura at pagsugpo sa iligal na droga.
(Bryan De Paz / UNTV Correspondent)