Pormal nang idineklara ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang pagtatapos ng limang buwang bakbakan sa pagitan ng pwersa ng pamahalaan at ISIS Inspired Terrorist Group na Maute sa Marawi City.
Aniya, na-neutralize na ng mga sundalo ang mga natitirang miyembro ng armadong grupo sa loob ng siyudad.
Sa kasalukuyan ay tinitignan pa nila ang security situation sa buong Mindanao upang makapagbigay ng rekomendasyon kay Pangulong Duterte sa lalong madaling panahon.
Nanawagan naman ang Malakanyang ng pakikiisa sa publiko para makapag-focus ang pamahalaan sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, ang tuluyang paglaya ng Marawi ay nagpapakita ng tagumpay ng bansa kontra banta ng violent extremism at radicalism.
Umapela rin ito sa publiko na tulungan ang pamahalaan para magtuloy-tuloy ang pagkamit ng bansa sa kapayapaan at seguridad.
Pinuri naman nito ang mga tropa ng pamahalaan lalo na ang mga nasawing pulis at sundalo dahil sa kanilang katapangan at sakripisyo para sa bayan.
( Leslie Huidem / UNTV Correspondent )