Defense Department, tiwalang pabor ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa legalidad ng idineklarang martial law ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | July 3, 2017 (Monday) | 1865


Bukas na magbobotohan ang mga miyembro ng Korte Suprema hinggil sa mga petisyong inihain upang kwestiyunin ang legalidad ng Proclamation 216 o deklarasyon ng martial law sa Mindanao ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Naniniwala si Defense Secretary Delfin Lorenzana na papaboran ng Korte Suprema ang pamahalaan lalo na’t ibinigay nila ang kumpletong batayan kung bakit kinakailangang ipatupad ang batas militar sa Mindanao dahil sa Marawi crisis.

Sa ika-22 ng Hulyo, ang ika-60 araw ng martial law sa Mindanao mula nang ideklara ito ng pangulo noong May 23.

Sa ngayon, wala pang sapat na batayan ang Defense Department para magbigay ng rekomendasyon kay Pangulong Duterte kung kailangan pa bang i-extend o hindi ang deklarasyon ng martial law sa Mindanao.

Lalo na’t una nang nabanggit ng pangulo na dedepende siya sa rekomendasyon ng militar at pulisya hinggil sa duration nito.

Subalit, ayon sa kalihim, sinisikap nilang matapos ang suliranin sa Marawi bago ang ikalawang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Duterte sa July 24.

Ito ay bagaman nahihirapan pa rin ang militar sa ginagawa nitong pakikipagbakbakan sa Marawi City.

Samantala, batay sa pinakahuling impormasyon ng militar, nananatiling nasa Marawi City at nagtatago sa isa mga moske si Isnilon Hapilon, ang itinuturing na lider ng Daesh sa Pilipinas.

Nasa 66 na rin ang bilang ng mga naarestong indibidwal na sumusuporta at may kaugnayan sa isis-linked Maute terrorist group kabilang na ang mga magulang ng Maute brothers.

(Rosalie Coz / UNTV News Reporter)

Tags: , ,