Dedicated evacuation center, nais ipatayo ng Pangulo sa mga typhoon prone area

by Radyo La Verdad | September 17, 2018 (Monday) | 3730

(File photo from PCOO FB Page)

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na gumawa na ng isang disenyo para sa itatayong dedicated evacuation center sa mga lugar na madalas salantahin ng bagyo.

Sa command conference kahapon kasama ang kanyang mga gabinete sa provincial capitol ng Cagayan sa Tuguegarao City, sinabi ng Pangulo na madalas nagagamit ang mga eskwelahan bilang evacuation center na nakakaabala sa pag-aaral ng mga estudyante.

Ayon sa Pangulo, karamihan sa mga lugar na madalas binabayo ng malakas na bagyo ay ang mga nasa eastern part ng Pilipinas na nakaharap sa Pacific Ocean gaya ng Samar, Leyte at Bicol. Inalam rin personal ng Pangulo ang kalagayan ng buong Cagayan kahapon.

Sa litratong kuha ni Special Assistant to the President Sec. Bong Go, makikita na nagsagawa ng aerial inspection sa Tuguegarao ang Pangulo.

Natuwa umano ang Pangulo nang malaman na zero casualty sa buong probinsya ng Cagayan.

Iniugnay ng provincial government ang zero casualty sa maagang information dissemination sa buong lalawigan.

Hindi na rin anila nahirapan ang mga opisyal na palikasin ang mga residente bago dumating ang Bagyong Ompong.

Ipinahatid naman ng Pangulo ang kanyang pakikiramay sa ibang probinsya na nakapagtala ng casualty.

Sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa dalawampu’t limang ang nasawi dahil sa Bagyong Ompong.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,