Death penalty, makakatulong sa pagresolba sa drug problem – PDEA

by Radyo La Verdad | March 25, 2019 (Monday) | 11380

METRO MANILA, Philippines – Naniniwala si Philippine Drug Enforcement Agency Director General Aaron Aquino na hindi matatapos ang drug problem sa bansa kung hindi palalakasin ang batas laban dito.

Ang naturang pahayag ay ginawa ni Aquino kasunod ng pagkakasabat noong Biyernes ng panibagong shabu shipment sa Manila International Container Port na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit 1.8 billion pesos.

Ayon kay Aquino, hindi umano natatakot ang mga drug trafficker na magpasok ng droga sa bansa dahil walang mabigat na parusa para dito.

 “When we interrogate chemists or arrest Chinese chemist or any involved in the illegal drug trade, the first thing that they will tell me is that there is no death penalty in the Philippines. And that’s the main reason that they will continue to smuggle drugs.” ani PDEA Director General Aquino.

Madali rin aniya na makatakas ang mga ito sa kabila ng pagkakaroon ng kaso dahil sa mahinang justice system sa bansa.

 “And secondly, they can buy anybody. They can buy judges, they can buy prosecutors, they can buy event law enforcers for that matter. And they can go back in their own country safely.” dagdag pa ni Aquino.

Natuklasan ang mga naturang droga sa loob ng isang 40-foot container na idineklarang naglalaman ng plastic resin.

Ngunit nang buksan ay tumambad ang dalawang daan at pitumpu’t anim na kilong shabu na naka-repack na ng tig-iisang kilo at nakalagay sa balot sa Chinese tea.

Galing sa bansang China ang shipment na nakapangalan sa Wealth Lotus Empire Corporation at dumating sa bansa noong March 17.

Nalaman ng PDEA ang shipment ng shabu mula sa counterpart ng PDEA sa Vietnam.

Bunsod ng sunod-sunod na pagkakasabat ng mga malalaking shipment ng droga, umaasa ang PDEA na muling maipatupad ang death penalty sa bansa upang makatulong sa pagreresolba ng problema sa iligal na droga kasabay ng War on Drugs campaign ng administrasyong Duterte.

“That’s actually the stand of PDEA in the restoration of the death penalty particularly on drug trafficking, drug smuggling and drug manufacturing.” ayon pa kay PDEA Director General Aquino.

Naniniwala rin ang PDEA na ang Golden Triangle Drug Syndicate ang nasa likod ng naturang shipment na siya rin pinanggalingan ng 1.1 billion pesos na halaga ng shabu na nasabat sa Ayala, Alabang noong nakaraang Martes.

(Asher Cadapan, Jr. | UNTV News)

Tags: , , ,