Deadline ng distribusyon ng ayuda pinalawig hanggang August 31- DILG

by Erika Endraca | August 26, 2021 (Thursday) | 5574

METRO MANILA – Binigyan pa ng ilang araw na palugit ng Department of the Interior and Local Government ang lokal na pamahalaan para tapusin ang pamamahagi ng ayuda.

Batay sa orihinal na schedule hanggang ngayong araw (August 26) na lamang ang distribusyon ng cash assistance para sa mga taga-Metro Manila, Laguna at Bataan.

Pero dahil may ilang LGU pa ang naghahabol at hindi pa tapos sa pamamahagi ng ayuda, pinalawig pa ang deadline nito hanggang August 31.

Bagaman nakakumpleto na Caloocan City at Pateros may ilan pang mga LGU ang halos nangangalahati pa lamang sa distribusyon.

Sa inilabas na datos ni DILG Secretary Eduardo Año, nasa 50% pa lamang ang naiirerelease na pondo ng mga lungsod ng Valenzuela, Muntinlupa, at Las Piñas City.

“Ating pong ineextend ang deadline ng pamamahagi hanggang August 31, 2021 para makapagbigay pa ng tamang panahon sa pamamahagi. At yung mga iba po na claimants na hindi po nag aapear ay magkaroon ng adjustment naman yung ating mga LGU para sa mga waitlisted na nagappeal at mabigyan din po ng ayuda” ani DILG Secretary Eduardo Año.

Ang Muntilupa City, nag-iisip na ng paraan kung papaano mapabibilis ang proseso, at makasunod sa bagong deadline ng DILG.

“Yun nga yung inanounce ng government na 50% pa lang yun pero ido-double time nila para ang ayuda ay mai-distribute, pero sa ngayon magkakaroon na naman ng bagong order si mayor para mapabilis ang ayuda.” ani Muntinlupa City Vice Mayor Artemio ‘Temy’ Simundac.

Pero ayon sa kapitan ng Barangay Cupang sa Muntinlupa City na si Reineir Bulos, natatagalan aniya ang distribusyon ng ayuda dahil sa pagbabago sa sistema.

Kung dati, pinapipila sa payout center ang mga tao, ngayon ay sa online transaction na lang ito idadaan.

Nag-anunsyo na ang barangay sa kanilang official facebook page na wala sa kanila ang pondo ng ayuda dahil sa mga residenteng nagaabang ng cash assistance.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: , ,