De kalidad na sapatos, dinarayo sa Marikina ngayong ber months

by Radyo La Verdad | November 27, 2018 (Tuesday) | 8451

Nakakabit na sa pangalang Marikina ang salitang “sapatos”. Ito ang isa sa mga pangunahing pinagkakakitaan ng mga residente sa nasabing lugar.

At ngayong ber months, patok sa mga mamimili ang mga mura at de kalidad na sapatos sa Shoe Bazaar sa Marikina.

Ang ilan sa mga ito, dumayo pa sa lungsod mula sa mga probinsya tulad ni Mang Roberto mula pa sa Pangasinan.

Sa halagang P100 hanggang P1,500 ay makakabili ka na ng sapatos depende sa klase at size.

Dahil sa ganda at tibay ng Marikina-made shoes, hindi kataka-taka na ang paboritong sapatos ni Pangulong Rodrigo Duterte ay gawa sa lungsod.

Nakilala ang pitumpung taong gulang na si Tatay Oly simula nang regaluhan niya ng sapatos ang Pangulo.

Aniya, simula noon ay patuloy na ang kaniyang paggawa ng sapatos para sa Pangulo na may iba’t-ibang kulay at disenyo.

Proud naman si Tatay Oly dahil kahit sa ibang bansa ay nakakarating ang kaniyang sapatos.

Samantala, upang ipakita sa madla ang creativity ng mga sapatos na gawang Marikina ay isinasagawa ang Sapatos Festival.

Ang Sapatos Festival na sinimulan noong ika-12 ng Nobyembre ay magtatapos sa ika-6 ng Enero 2019.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,