De-escalation sa Alert Level 1 sa campaign period, dapat pag-aralang mabuti – DILG

by Radyo La Verdad | February 23, 2022 (Wednesday) | 11221

METRO MANILA – Nagpahayag ng pangamba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa posibilidad na mai-deklara na ang COVID-19 Alert Level 1 sa anomang panig ng bansa.

Ito ay sa gitna ng campaign period para sa 2022 general elections.

Ayon kay DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, dapat munang pag-aralang mabuti kung magkakaroon ng de-escalation sa pinakamababang antas lalo na at mag-uumpisa na rin ang local campaigns sa March 25.

Gayunman, sa consultation ng DILG sa mga local chief executive, nagpahayag naman ng kahandaan ang mga alkalde sakaling ibaba na ang kanilang nasasakupan sa Alert Level 1.

Si Manila Mayor Isko Moreno, sang-ayon sa planong pagluluwag.

Samantala, ayon sa Malacañang, pinag-aaralan na ng mga eksperto kung maaari nang mapasailalim sa COVID-19 Alert Level 1 ang anomang panig ng bansa.

Sa ilalim ng pinakamababang quarantine level, wala nang iiral na limitasyon sa capacity ng mga establisyimento at aktibidad basta’t naipatutupad pa rin ang minimum public health standards.

Lunes (February 21) ng gabi sa public address ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na dapat 80% muna ng senior citizens at may comorbidities ang kinakailangang nabakunahan laban sa COVID-19 bago mailagay ang isang lugar sa Alert Level 1.

Pagpupulungan naman bukas (February 24), araw ng Huwebes ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang final requirements para mapasailalim sa alert level 1 ang isang lugar .

Samantalang sa pinakamalapit na petsa bago mag-March 1 iaanunsyo ng pamahalaan ang paiiraling bagong alert level classification sa bansa.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,