Davidson Bangayan at 5 iba pa, pinakakasuhan ng DOJ ng dahil sa manipulasyon ng presyo ng bigas

by Radyo La Verdad | November 9, 2018 (Friday) | 7274

Pinakakasuhan na ng Department of Justice (DOJ) sa korte ang negosyanteng si Davidson Bangayan alyas David Tan dahil sa manipulasyon sa suplay at presyo ng bigas noong nakaraang administrasyon.

Sa review resolution ni Senior Deputy State Prosecutor Miguel Guido Jr, kasong paglabag sa Article 186 ng revised penal code o pagmonopolya sa suplay ng bigas para tumaas ang presyo nito ang isasampang kaso laban kay Bangayan.

Kasama ring pinakakasuhan sina Elizabeth Faustino, mag-asawang David at Judilyne Lim, Eleanor Rodriguez at Leah Echeveria.

Ayon kay Attorney Guido, sapat ang ebidensya ng NBI na ginamit ni Bangayan at kasabwat nito ang mga kooperatiba at organisasyon ng mga magsasaka para makuha ang bulto ng imported na bigas at makontrol ang suplay nito na humantong sa pagtaas ng presyo.

Naging kontrobersiyal si Bangayan at naipatawag pa sa mga pagdinig ng Senado dahil sa alegasyong ito ang big-time rice smuggler na si David Tan.

Unang dinismiss ang kaso laban kay Bangayan noong 2014, pero muli itong pinag-aralan ng bagong panel ng DOJ sa ilalim ng Duterte administration.

 

 

 

 

Tags: , ,