Davao City Mayor Rodrigo Duterte, nangunguna pa rin sa presidential survey

by Radyo La Verdad | May 4, 2016 (Wednesday) | 6093

MAYOR-DUTERTE
Limang araw bago ang araw ng eleksyon, napanatili ni Davao City Mayor Duterte ang kaniyang unang pwesto sa bagong pre-election survey ng Pulse Asia na kinomisyon ng Abs-Cbn.

Nakakuha si Duterte ng 33 percent at sa kauna-unahang pagkakataon ay tie sa ikalawang pwesto sina Mar Roxas at Grace Poe na may 22 at 21 percent ratings, pangatlo si Vice President Jejomar Binay na may 17 percent at pangapat si Senator Miriam Santiago na may 2 percent.

Sa nakalipas na isang buwan, bagama’t nangunguna, halos hindi gumalaw ang rating ni Duterte, si Roxas ay umangat ng 4 percent , samantalang si Poe naman ay nabawasan ng 4 percent mula noong 1st week ng April habang si Binay ay bumaba ng 3 percent.

Samantala, sa kauna-unahan ring pagkakataon statistically tie na sa unang pwesto sa vice presidential survey sina Camarines Sur Representative Leni Robredo at Senator Bongbong Marcos na may 30 at 28 percent, tabla rin sa ikalawang pwesto sina Senator Chiz Escudero at Alan Cayetano na may 18 at 15 percent at parehong nasa ikatlong pwesto naman sina Senator Gringo Honasan at Antonito Trillanes na may 3 at 2 percent ratings.

Samantala, nangunguna pa rin sa senatorial post sina Drilon, Sotto at Pangilinan.

Pasok rin sa winning circle sina Zubiri, Lacson, Pacquiao,Hontiveros, Villanueva, Osmena, Gordon, De Lima, Recto at Gatchalian.

Isinagawa ang survey noong April 26 hanggang 29 sa 4000 registered voters na may plus minus 1.5 percent margin of error.

Labis namang ikinagalak ng Malacañang ang pagangat sa puwesto ng tambalang Roxas at Robredo.

Ayon kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, ang nalalabing araw bago ang halalan sa Lunes ay magbibigay ng pagkakataon sa Mar-Leni tandem na mailatag pa sa mga botante ang mga programang makakatulong sa ibayong pagunlad ng bansa.

(Jerico Albano / UNTV Correspondent)

Tags: ,