Davao City Int’l Airport, naglagay ng dagdag na cctv camera at namahagi ng information sheet vs. tanim bala scam

by Radyo La Verdad | November 6, 2015 (Friday) | 1295

DAVAO
Magpapatupad ng mas mahigpit na seguridad ang pamunuan ng Francisco Bangoy International Airport sa Davao City upang maiwasan na ang kaso ng tanim bala scam.

Magugunitang noong nakaraang biyernes ay isang sisenta anyos na inhinyero ang nahulihan ng bala matapos idaan sa screening process ang kanyang bagahe.

Nakalabas naman ito matapos makapag-piyansa sa Sasa Police Station.

Ayon kay Police Senior Superintendent John de Leon Esteban ng Aviation Security Group VI, simula ngayon ay mas hihigpitan na nila ang pagpapatupad ng ‘no ticket, no entry’ policy sa airport.

Naglagay na rin sila ng dagdag na closed-circuit television o cctv camera sa loob at labas ng airport upang mapaigting ang surveillance process.

Naglagay na rin sila ng mga poster at namahagi ng information sheet na nagsasaad ng babala at mga dapat gawin ng pasahero upang huwag mabiktima ng tanim bala scam.

Ayon kay Esteban, hindi nila maipapangakong walang mangyayaring tanim-bala scam sa Davao International Airport lalo’t hindi naman nila kontrolado ang sitwasyon at galaw ng mga empleyado at masasamang elemento.

Payo rin nila sa mga pasahero na huwag ipagkakatiwala ang kanilang bagahe, kahit sa mismong empleyado ng paliparan;

Alisin rin sa pagkaka-tuck in ang damit kung papasok sa airport upang huwag malagyan ng bala at ilagay sa harapan ng katawan ang back pack o bag upang huwag masalisihan.

Kung nahulihan pa rin ng bala sa kabila ng mga pag-iingat, huwag hahawakan ang bala upang huwag maiwan ang fingerprint at huwag papayag na ma-detain kung walang kasamang abugado o kaanak.

Sa kabila naman ng lumalalang kaso ng tanim-bala sa mga paliparan, may ilang pasahero pa ring nananatiling kampante na ligtas pa rin sa scam ang Davao Airport. (Janice Ingente/UNTV News)

Tags: ,