Davao City Councilor, pinabulaanang miyembro siya ng “Davao Group” at may kaugnayan sa P6.4-B shabu shipment

by Radyo La Verdad | August 30, 2017 (Wednesday) | 1492

No show kahapon si Davao City Councillor Nilo Abellera sa ikalimang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng nasabat na bilyong pisong halaga ng shabu na galing sa China.

Si Abellera na sinasabing miyembro ng Davao group ang tinukoy ng broker na si Mark Taguba at isang “Jack” na pinagbigyan umano nila ng limang milyong piso bilang “enrollment fee”. Ito ay bayad umano sa tulong upang mapabilis ang paglalabas ng kaniyang mga shipment sa customs.

Si Abellera naman ang itinuturo ni Senator Trillanes bilang malapit na kaibigan ni Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.

Sa affidavit na ipinadala ni Abellera sa komite kahapon, pinabulaanan niya ang kaugnayan sa bilyong pisong shabu shipment at ang pagiging kasapi ng  sinasabing “Davao group”. Hindi rin aniya siya tumanggap ng limang milyong piso at sinabing ang alegasyon ni Taguba ay walang basehan at malisyoso.

Lumutang naman sa pagdinig ang pangalan ni Atty. Mans Carpio, ang asawa ni Presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte.

Kinumpirma ng nagresign na si Customs Intelligence Service Chief Neil Estrella na nakita niya itong bumisita sa isa sa mga opisina ng BOC.

Ayon naman kay Atty Carpio, bilang abogado ng mga taong may transaksyon sa BOC, may mga pagkakataon talagang kailangan niya pumunta dito. Binibigyan lang aniya ito ng masamang interpretasyon ni Sen. Antonio Trillanes.

Ayon naman kay Committee Chair Senator Richard Gordon, hindi maaaring iugnay si Carpio sa anumang ilegal na gawain.

Bukas ipagpapatuloy ng komite ang imbestigasyon tungkol sa smuggling activities sa BOC.

 

(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)

 

 

 

Tags: , ,