METRO MANILA – Tinatayang daan-daang libong deboto ang dumagsa sa Quiapo Manila dahil sa taunang traslacion noong araw ng Sabado (January 9, 2021).
Dahil sa bulto ng mga tao, hindi ganap na nasunod ang ipinatutupad ng social distancing protocols. Mayroon ding mga walang suot na face shields.
Ayon kay Dr. Tony Leachon, dating Special Adviser ng National Task Force kontra Covid-19 at dati ring presidente ng Philippine College of Physicians, dapat ay napigilan ito DOH Chief at IATF Chairperson dahil malinaw na paglabag ito sa ipinatutupad na social distancing measures at maaaring humantong sa isang super spreading event o dahilan ng lubhang pagtaas ng Covid-19 cases.
Batay sa online encyclopedia britannica, naiiba ang superspreader event sa ibang pagtitipon ng mga tao dahil sa malaking bilang ng coronavirus cases na maidudulot nito
Mas pinalala ito ng presensya ng superspreaders o mga taong kayang makahawa ng 15 hanggang 20 iba pa.
Ayon kay Dr. Leachon, ang post event advisory ng DOH ay nagpapakita na mayroong pagkukulang sa decision making process.
Nanawagan naman ang Department Of Health sa mga debotong dumalo sa traslacion na obserbahan ang sarili para sa paglitaw ng mga sintomas ng Covid-19 at agad na mag-isolate, iwasang makisalamuha sa mga matatanda at vulnerable at limitahan ang movement kung maaari.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Covid-19 superspreader