Dating SOJ Aguirre, itinangging may kinalaman sa umano’y maanomalyang transaksyon ng DOJ

by Radyo La Verdad | May 28, 2018 (Monday) | 5428

Dumipensa si dating Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kaugnay ng pagkakadawit ng kaniyang pangalan sa ilang maanomalyang transaksyon umano sa kagawaran na nadiskubre ng Commission on Audit (COA).

Sa inilabas na pahayag ng dating kalihim, sinabi nito na wala siyang partisipasyon sa mga transakyon na binabanggit sa annual report ng COA na inilabas noong nakaraang Biyernes.

Isa na rito ang umano’y pag-“park” o paglilipat ng pera ng pamahalaan at released salaries na nagkakahalaga ng 621 milyong piso sa hindi otorisadong bank accounts ng walang supporting documents noong siya pa ang kalihim ng kagawaran.

Ayon sa batas, dapat na ibalik sa National Treasury ang anomang pondo ng pamahalaan na hindi nagamit.

Ngunit paliwanag ng dating kalihim, inilipat umano ang pondo upang matiyak na maire-release on time ang sweldo ng kanilang mga tauhan.

Dagdag pa ni Aguirre, na sa last quarter noong nakaraang taon, matapos na nabayaran ang lahat ng financial obligations ng kagawaran ay ibinalik na ang natirang pondo sa National Treasury.

Ayon umano sa ilang opisyal ng DOJ, magcocomply umano ang mga ito sa rekomendasyon ng COA at ititigil na ang ganitong uri ng practice.

Tinuligsa naman ni Aguirre ang ilang lumabas na news report na napunta sa  ilang benepisyaryo ang pondo.

Layon lamang umano ng COA na tawagin ang pansin ng kagawaran at humihingi ng kopya ng kanilang payroll register.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,