Dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr., acquitted sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam

by Radyo La Verdad | December 7, 2018 (Friday) | 7784

Matapos ang mahigit apat na taong pagkakakulong, acquitted ang hatol ng Sandigan Bayan First Division kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.

Sa desisyon ng korte, hindi umano napatunayan ng prosekusyon na tumanggap si Revilla ng komisyon o kickback mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF). Kaya pinawalang-sala ang dating mambabatas sa 224.5-million peso plunder case. Emosyonal ang pamilya Revilla ng marinig ang hatol ng korte.

Kasama ng aktor ang asawang si Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla at ang apat na anak na sina Ryan, Gianna, Rodette at Cavite Vice Governor Jolo Revilla ng basahan ito ng hatol sa kaso.

Maliban sa mga taga-suporta, naroon rin sa loob ng court room si dating Senador Jinggoy Estrada na nahaharap din sa kaparehong kaso. Nagpaabot ng pasasalamat ang dating senador sa lahat ng sumuporta sa kanya.

Ayon kay Revilla, sa ngayon ay pagtutuunan muna niya ng panahon ang kaniyang pamilya.

Kabilang sa mga justice na bumoto pabor kay Revilla ay sina Associate Justices Geraldine Econg, Edgardo Caldona at Georgina Hidalgo. May disenteng opinyon naman sina Associate Justices Efren Dela Cruz at Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta.

Nanatili naman ang 16 counts ng kasong graft ni Revilla, pero pinayagan na siyang magpiyansa ng 480 libong piso para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Samantala, guilty naman ang naging hatol ng korte kay Richard Cambe na dating chief of staff ni Revilla at kay Janet Napoles na tinuturong mastermind sa pork barrel scam.

Tumanggi si Cambe na magbigay ng reaksyon sa naging hatol sa kanya ng korte. Reclusion perpetua ang ipinataw na parusa ng korte sa dalawa.

Samantala, inatasan naman ng korte sina Revilla, Cambe at Napoles na isaulo ang 124 milyong piso sa National Treasury, pero iaapela ito ng kampo ni Revilla.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,