Dating Senador Jinggoy Estrada, nakalaya na mula sa PNP Custodial Center sa Crame

by Radyo La Verdad | September 18, 2017 (Monday) | 2263

Labis ang pasasalamat ni dating Senador Jinggoy Estrada matapos pansamantalang makalaya matapos makulong ng mahigit sa tatlong taon sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.

Pasado alas dose ng tanghali noong Sabado nang makalabas ang dating senador sa piitan sakay ng isang coaster. Dumiretso ito sa Sandiganbayan para pirmahan ang ilang mga dokumento at makuha ang release order nito.

Ayon dito, maglilibot siya sa iba’t-ibang bahagi ng bansa upang magpasalamat sa kanyang mga taga suporta.

Nang makalaya ay nagsalo-salo sa pananghalian ang pamilya Estrada. Nanindigan ang ama ni Jinggoy na si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada na walang kasalanan ang anak.

Samantala, bagamat nagpapasalamat dahil nakalaya na, nalulungkot naman umano si Jinggoy dahil naiwan pa sa kulungan ang kaibigan na si dating Senador Bong Revilla. Ngunit naniniwala ito makakamit din ni Revilla ang kalayaan.

Biyernes ng payagan ng Sandiganbayan na makapagpyansya ng 1.33 million pesos ang dating Senador kaugnay ng mga kasong plunder at graft na kinakaharap nito.

 

(Rajel Adora / UNTV Correspondent)

Tags: , ,