Metro Manila, Philippines – Idinadawit na rin sa operasyon ng iligal na droga si former Special Assistant to the President Christopher Bong Go.
Sa panibagong video ni alias “Bikoy”, sinabi nito na bilyon-bilyong pisong tara umano ang natanggap ni go mula sa isang sindikato. Si Go umano ang pangatlong pinakamalaking drug personality sa sindikato at tumanggap ng bilyon-bilyong pisong halaga ng drug money mula 2010 hanggang 2018.(
Inaakusahan din siya na may tattoo umano sa likod tulad ni Presidential son at dating Davao city Vice Mayor Paolo “Pulong” Duterte na may alpha-numberic code, patunay umano na miyembro siya ng malaking sindikato.
Hamon ng nasa likod ng naturang narco video, ipakita lang ang tattoo sa likod nina Go at Pulong ay titigil na sila.
Una nang inakusahan sina pulong, at ang partner ni pangulong Duterte na si Honeylet Avanceña na sangkot umano sa illegal drug trade sa bansa. Subalit ayon sa Malacañang, ang mga nag-aakusa ang may obligasyon na patunayan ang kanilang mga alegasyon.
” Alam mo, one who alleges must prove. Kung totoo yung sinasabi nila eh di ipakita sa taumbayan ang totoo” pahayag ni Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo .
Hangga’t wala rin aniyang kasong isinasampa sa korte, mananatiling paninira lamang ang naturang mga alegasyon.
“Sinabi nga natin, di ba that’s pure and simple black propaganda, it’s so easy to write the story, and do a movie, madaling gawin lahat yun eh. Kung totoo yun, eh di sana nag-file na sila ng mga charges. Wala naman silang pina-file. Ibig sabihin, di totoo.” tinig ni Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo .
Samantala, wala pang tugon si go hinggil sa isyu. Tiwala naman ang Malacañang, na di ma-aapektuhan ng naturang mga paninira ang kredibilidad ni pangulong Duterte at ang kaniyang pamilya.
(Rosalie Cos | Untv News)
Tags: Former Special Assisstant to the President Christoper Bong Go, Presidential Spokesperson Salvador Panelo