Arestado ang isang ginang sa isinagawang buy bust operation sa bahay ng kaniyang amo sa kanto ng Palawan Street at Visayan Avenue sa Sampaloc, Maynila bandang alas sais y medya kagabi.
Isinumbong ng isang informant sa mga pulis ang pagbebenta ng iligal na droga ni Amelita Sabino na isang kasambahay.
Ayon kay NCRPO Police Director Guillermo Eleazar, ginagamit na illegal drug courier si Sabino ng isang dating pulis na si PO2 Jolly Aliangan na nakatalaga sa Regional Anti-illegal Drugs ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Kabilang si Aliangan sa mga kinilalang ninja cop o mga pulis na nagre-recycle ng droga at kasalukuyang nakulong sa Manila City Jail.
Sa kabila nito, patuloy ang operasyon niya sa pagbebenta ng shabu sa Metro Manila at Calabaron area.
Ayon sa suspek, dalawang taon na siyang namamasukan bilang katulong nina Aliangan at pangatlong beses na itong nag-deliver ng shabu sa parokyano nito.
Nasabat kay Sabino ang pitong plastic ng hinihinalang shabu na higit kalahating kilo at may street value na tinatayang aabot sa apat at kalahating milyong piso.
nagsasagawa pa ng follow up operation ang mga otoridad upang tugisin ang anak ng ex-PO2 Aliangan na kinilala sa pangalang JL Aliangan.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )
Tags: buy bust operation, iligal na droga, Maynila