Kinumpirma ni Criminal Investigation and Detection Group- National Capital Region Chief Sr Supt. Belli Tamayo na sumuko si dating Presidential Anti Organized Crime Task Force – Luzon Chief Sr. Supt. Cesar Mancao.
Ayon kay Sr. Supt tamayo, noong Lunes, January 30 pa ito nasa kanilang kustodiya matapos ang halos tatlo at kalahating taon na pagtatago.
Si Mancao na may kinakahap pang kaso kaugnay ng Dacer-Corbito double murder case noong 2000 ay tumakas mula sa National Bureau of Investigation noong may 2013 dahil sa umano’y kabagalan ng usad ng kaso laban sa kanya habang ang iba pang akusado ay nakalaya na.
Kahapon ng umaga nang ibinalik sa Manila RTC Branch 18 ang warrant of arrest laban kay Mancao kaya mananatili muna ito sa kustodiya ng CIDG-NCR habang hinihintay ang commitment order ng korte.
Kasama sa mga nadawit sa naturang kaso sina Sen. Panfilo Lacson na pinawalang sala ng Court of Appeals, dating Sr. Supt. Michael Ray Aquino na nasa Amerika ngayon at Sr. Supt. Glenn Dumlao na nakabalik na serbisyo at kasalukuyang pinuno ng PNP-Anti-Kidnapping Group.
Ayon naman kay Sen. Lacson, matagal na niyang napatawad si Mancao sa pagdadawit sa kanya sa naturang kaso.
Si Salvador Bubby Dacer ay kilalang PR consultant at publicist na may mga prominenteng kliyente tulad nina Pres. Fidel Ramos at President Joseph Estrada.
(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)