Dating Police SSupt. Cesar Mancao, walang special treatment pero nakahiwalay ng kulungan sa CIDG – NCR

by Radyo La Verdad | February 2, 2017 (Thursday) | 1325


Kinumpirma ng Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region na nakahiwalay ng kulungan ang dating police officer at dating hepe ng Presidential Anti Organized Crime Task Force – Luzon na si PSSupt. Cesar Mancao.

Ayon kay CIDG- NCR Chief PSSupt. Belli Tamayo, hindi nila isinama sa detention cell ng mga drug suspek at Abu Sayyaf si Mancao subalit hindi ito maituturing na special treatment.

Katwiran ni Tamayo, kailangan nilang siguruhin ang kaligtasan ng dating opisyal habang hinihintay ang commitment order mula sa korte kung saan ito tuluyang ikukulong.

Magiging pananagutan aniya nila kung ano man ang mangyari dito.

Sa kasalukuyan ay nakakulong si Mancao sa isang kuwarto sa loob ng CIDG-NCR subalit hindi rin ito nakalalabas tulad ng ibang preso.

Bagamat wala pang dumadalaw kay Mancao simula nang sumuko noong Lunes ng umaga ay obligado ring sumunod sa oras ng dalaw ang mga bibisita sa kanya na MWF 9-11am at 1-3pm.

Lumabas ang isyu ng special treatment dahil sa pagiging magkaka-klase nina Mancao, PNP Chief PDG Ronald “Bato” Dela Rosa at CIDG Chief PDir. Roel obusan sa PMA Sinagtala Class of 1986.

Siya ang isa sa pangunahing suspek sa pagdukot at pagpaslang sa sikat na publicist na si Salvador Bubby Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nov. 2000 sa Makati Business District.

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

Tags: ,